Araw-araw akong nagtatraysikel papunta sa sakayan ng FX. Malayo ang tinitirhan ko mula sa opisinang pinapasukan ko. Madalas, isang oras akong nagcocommute. Kung tatanghaliin ng gising o kung mamalasin at matrapik, minsan inaabot ako ng dalawang oras.
Trese ang pamasahe mula sa labas ng subdivision namin hanggang sa sakayan. Halos doble ng minimum fare, kaya matatantya nyo na kung gaano ito kalayo. Nagiging pamilyar na sa akin ang mga mukha ng mga traysikel drayber sa araw-araw kong pagsakay.
Isa si Mang Jhonny sa madalas kong makita sa paradahan. Ganyan ang pagkakabaybay ng pangalan nya, ayon sa rehistro na nakasabit sa traysikel nya. Matanda na si Mang Jhonny. Kulubot ang balat, maitim, kulot ang buhok, at hindi matangkad. Madalas manipis na kamiseta ang suot nya at magrasang shorts. Butas-butas na ang goma nyang sapatos. Sa TODA terminal, pumipila ang mga traysikel para makakuha ng pasahero. Habang naghihintay, dispatcher rin si Mang Jhonny.
Una ko syang napuna nung minsan sakay ako ng traysikel nya at nagpakrudo sya sa isang gasolinahan. Kakataas lang ng presyo ng gas ilang oras lang ang nakakalipas at dismayadong dismayado si Mang Jhonny sa balitang ito. “Anak ng ... Taas ng taas ang gasolina, di naman kami pwede magtaas ng pamasahe, lintik na buhay ito, oo...”
Laspag na ang traysikel ni Mang Jhonny. Kalawangin ang mga bakal, tagpi-tagpi ang upuan at nirecycle na trapal ng mga advertisement ang bubong nya na tumutulo kapag umuulan.Kung nakaparada ito sa isang tambakan, hindi mahirap isipin na baka pwede na itong ipatimbang sa junk shop.
Pero kahit naghihingalo na tricycle ni Mang Jhonny, mabait naman sya sa mga pasahero. Sa katunayan, namumukhaan nya na ako at di nao kailangan pang tanungin kung saan ako bababa. Di nya rin hinahayaan masingitan ako sa pila ng mga ayaw maghintay ng kanilang pagkakataon. Kapag ginagabi ako ng uwi at konti na lang ang mga traysikel sa pila, pinipilit nya ang mga drayber na kunin akong pasahero kahit di na nila ruta. At sinasabihan nya rin akong tandaan ang numero ng traysikel kung sakaling may maiwan ako, gaya ng isang ale na minsang humingi ng tulong sa kanya sa naiwang wallet. Daig pa ni Mang Jhonny sa pagiging maasikaso ang maraming mga empleyado sa pampublikong tanggapan.
May isang araw na di si Mang Jhonny ang nagmaneho, kundi ang anak nya, siguro mga disi-syete anyos pa lang. Sakay lang si Mang Jhonny sa likod habang nagbibigay ng mga utos. "Tingnan mo magkabalang gilid mo. Maging alerto ka sa mga dumaraan. Wag na wag kang magaalinlangan sa interseksyon, tuluy-tuloy lang at nang di ka mabitin sa gitna."
Pagdating sa gate ng subdivision namin, inabot ko bayad ko sa kanya, sabay sabi ng, “Salamat po.”
Madami akong natutunan sa mga simpleng kapwa tao na nakakasalimuha ko araw-araw. Di lang trese pesos ang halaga niyon.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment