Nagising ako kaninang umaga sa pagkalakas-lakas na pagkanta ng "You Light Up My Life". Pwera biro. Version ng nag-eensayong Christian choir member sa katabing building ng inuupahan naming apartment. Sobrang lakas ng mikropono niya. Alas diyes na ng umaga kaya hindi mo namang masasabi na nambubulabog sya ng tulog. Alangan namang isigaw ko pa na, "Hoy! Alas kuwatro y media na ako natulog! Inaantok pa ako!" Mahaba-habang paliwanag naman iyon na mahirap nang isigaw pa lahat.
Isa pa, nang nagkalaon, napansin ko namang magaling ang pagkakanta niya. Maganda ang boses at kuhang-kuha ang tono.
Nanay ko naman, himbing na himbing ang tulog habang todo bigay sa pagbirit yung babae. Kasi kung ako, 4.30 na nang natulog, siya naman, alas sais na. (Wala po kaming lahing aswang, FYI lang.) So ang naging alarm clock ko kanina ay ang makabagbag-damdaming lyrics ng 70's na kantang ito.
You light up my life
You give me hope
To carry on
You light up my days
and fill my nights with song
Ewan ko lang kung tungkol pa rin kay Kristo ang awitin nya. Pwede naman kasing i-interpret ang "You Light Up My Life" as either romantic love or love for God. Tulad ng kanta ni Gary V na "Gaya ng Dati" (Maliban na lang dun sa linya ng "Panginoon, ako’y nabulag ng mandarayang mundo, ako ay patawarin Mo..." na malinaw naman ang ibig sabihin). May kanta rin ang Jars of Clay na ang chorus ay "I want to fall in love with you..." Kung yun lang ang pakikinggan mo, di mo talaga aakalain na para kay Jesus pala ang kantang yun. Pero kung alam mo yung title, halata na. ("Love Song for a Savior".)
Astig ang performance ni kapitbahay. Pang Star in a Million. Kahit si Fritz Ynfante walang masasabi. Kaya nga lang, malakas. Nagising ako. At dahil dun, hindi ko siya hihikayatin mag-audition. Bumangon na lang ako at inumpisahan na ang hundred little chores na kailangan sa household maintenance. (kung sa Starcraft pa, ako yung lowly SCV, "reporting for duty, Sir!")
Maiba ako ng kwento (kaya nga digressions, eh). Habang nanananghalian kami kanina, sabi ng nanay ko, may sasabihin daw sya sa akin. Akala ko kung ano na. Yun pala, nung madaling araw at mag-isa na lang daw syang gising at nagpapaantok, may humila-hila daw sa dalawa nyang daliri sa paa - yung katabi ng thumb at index digits.
Natawa ako. Sabi ko baka nananaginip lang sya. Pero hindi daw talaga at gising na gising pa ang kanyang diwa. Baka 'ka ko, imagination nya lang yun dahil sa pagkakulang ng tulog. Pero sigurado daw talaga sya. Ang paniwala nya, baka daw nagparamdam ang lola ko dahil sa lunes na ang death anniversary nito.
Tumahimik na lang ako. Magtakutan ba kami sa hapag kainan?! Parang di yata angkop yun. Besides, maghuhugas pa ako ng plato. At hulaan nyo kung ano ang last song syndrome ko na naging soundtrack ng dishwasher scene ko ngayong araw? Galing. "You Light Up My Life" nga. Very bright students. Class dismissed.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment